Tama ang Desisyon

Tama ang Desisyon

Taon 2023, dito ko mas napatunayan ang magandang resulta sa pagmamahal ko at pananatili sa trabaho. Ang pagpili sa kompanya na kinabibilangan ko ay kailanman hindi ko pinagsisihan. Noon ang hanap ko lamang ay regular na trabaho. Hindi ko akalain na ang unang trabaho ko ay siyang patuloy na mananatili ako. Maraming unos ang pinagdaanan, lalo na sa personal na buhay, pero paunti-unti ay nalagpasan ko ito dahil sa tulong na rin ng Pandayan.
Isa sa naging hamon sa buhay namin ay sa tuwing mayroon magkakasakit sa pamilya o kailangan ng gamot. Sa mga oras na ito ay kahit papaano may mapagkukuhanan ako at maitutulong sa amin pamilya dahil sa tulong ng Pandayan na magkaroon ng savings o maturuan ng pag-iimpok. Dito ay napatunayan ko na malaking bagay ito sa mga biglaang pagsubok at kinakailangan ng pinansyal. Sa mga ganitong pagsubok naiisip ko ang mga panahon na bakit gustong-gusto ko maging regular sa Pandayan dahil sa mga benepisyo na mayroon ito. Isa kasi sa nagustuhan ko sa ating kompanya ay ang pagkakaroon ng malasakit sa bawat isa. Kaya lubos ang pasasalamat ng aking magulang dahil sa mga panahon na may emergency sa amin palagi nila ako nakakatuwang. Nababanggit rin ng aking magulang na tama raw ang aking naging desisyon at kailanman huwag ko raw isipin na nasayang ang pagpapaaral nila sa akin dahil sobra-sobra raw ang aking nakuhang biyaya sa kompanyang napuntahan ko.